Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Binatikos ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito ang panibagong insidente ng pagbangga ng China Coast Guard sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.
Sa budget hearing ng Department of Transportation sa Senado, kinumpirma ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronie Gil Gavan na bandang 11:15 ng umaga nang banggain ng isang Chinese Coast Guard vessel ang BFAR vessel na BRP Datu Magat Salamat.
Ayon kay Gavan, walang nasugatan sa insidente pero napinsala ang railings ng BFAR vessel.
Agad namang nagpadala ang Philippine Coast Guard ng barko at aircraft sa lugar para umalalay sa BFAR vessel na nanatiling operational at nagpatuloy sa misyon nito.
Sinabi ni Gavan na civilian sailors ang sakay ng BFAR vessel at wala itong armas dahil bahagi ng misyon nito ang pagbibigay ng fuel subsidy, yelo at tubig sa mga mangingisdang nangingisda sa karagatan.
Tinanong ni Ejercito kung ano ang ginagawa ng Coast Guard sa mga insidente ng intimidation laban sa mga barko ng BFAR at mga mangingisda.
Ayon kay Gavan, naglabas na ang PCG ng pahayag tungkol sa insidente para ipaalam sa international community ang nangyari.
Tinanong din ni Ejercito kung iniuulat ng PCG sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga ganitong insidente para sa posibleng diplomatic protest.
Sinabi ni Gavan na bahagi ang PCG ng National Task Force on the West Philippine Sea, kung saan kabilang din ang DFA.