Umabot sa 83,824 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong naitala ng Philippine Coast Guard o PCG sa mga pantalan sa buong bansa sa loob lamang ng anim na oras ngayong Nobyembre 2.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PCG, mula alas-sais ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali, umabot sa 46,011 ang outbound passengers habang 37,813 naman ang inbound passengers.
Kaugnay nito, nagtalaga ang PCG ng 6,484 frontline personnel mula sa 17 Coast Guard Districts upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasaherong nagsisiuwian matapos ang paggunita sa Undas.
Umabot din sa 468 barko at 845 motorbanca ang isinailalim sa inspeksyon ng ahensya.
Nananatili namang naka-heightened alert ang lahat ng distrito, istasyon at sub-station ng PCG mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.