Hinimok ni Senador Erwin Tulfo ang Department of Transportation (DOTr) na tugunan ang mga problema sa transportasyon upang mapalakas ang domestic tourism sa bansa.
Sa budget hearing ng DOTr para sa 2027 proposed budget sa Senado, sinabi ni Tulfo na malaking problema ang mababang bilang ng domestic tourist arrivals dahil sa hindi madaling ma-access at hindi maaasahang transportasyon.
Ayon kay Tulfo, maraming tourist destinations sa bansa ang naa-access lamang gamit ang turboprop aircraft pero kinakailangan pang bumiyahe ng mga turista patungong Clark Airport bago makasakay sa mga ito.
Sinabi rin ng senador na napansin niya sa pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang buwan ang pagbaba ng arrivals sa mga domestic tourist destinations.
Bilang tugon, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na kabilang sa pinag-aaralan ng ahensya ang pagpapahaba at pagpapalapad ng mga runway para mas maraming turboprop aircraft ang makapag-operate.
Gayunman, kinilala ni Lopez na limitado ang lawak ng lupa sa ilang potensyal na paliparan kaya maaaring hindi maisagawa ang mas malalaking runway.