Nakiusap ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa APO Production Unit na huwag munang itaas ang presyo ng passport mula ₱950 hanggang ₱1,500.
Sa budget hearing sa Senado ng DFA para sa kanilang 2027 proposed budget, sinabi ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na kinikilala ng ahensya ang pangangailangan ng APO na magtaas ng presyo matapos ang mahigit sampung taon na hindi nagbabago ang passport fee.
Gayunman, hiniling ng DFA sa APO na ipagpaliban muna ang price increase dahil nakatakdang ilunsad ang new generation passport sa kalagitnaan ng 2028.
Ayon kay Lazaro, may probisyon sa Philippine Passport Act na nagbabawal sa pagtataas muli ng passport fee sa loob ng tatlong taon.
Dahil dito, nais ng DFA na hintayin ang bagong generation passport bago magpatupad ng panibagong presyo.
Una rito, sinabi ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na nakatanggap siya ng liham mula sa APO na nagsasabing maaari itong mapilitang itigil ang operasyon kung hindi maa-adjust ang presyo ng passport.
Nagbabala si Ejercito na maaaring maapektuhan nito ang mga Pilipinong nangangailangan ng passport, partikular ang mga OFW.
Kaya naman hiniling niya sa DFA na ipaalam sa Senado kung kinakailangan ng subsidy upang matulungan ang passport production pero giniit niyang limitado ang fiscal space ng gobyerno.
Samantala, sinabi ni Ejercito na nagbanggit ang APO ng discount para sa OFWs na maaaring magpababa sa ₱1,500 proposed fee sa ₱1,200.