Kaugnay ng paglulunsad ng International Coastal Cleanup 2026 bukas, Setyembre 19, patuloy ang apela ng Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region (DENR – NCR) sa publiko sa kahalagahan ng disiplina at tamang pagtatapon ng basura.
Sa panayam ng Kuwentuhang Green Mindset kay Engr. Henry Pacis, Assistant Regional Director for Technical Services ng DENR – NCR, binigyang diin nya na dapat maunawaan ng mga Pilipino kung gaano na kalala ang suliranin at krisis ng basura sa bansa.
“Itong ICC, ‘yung effort natin for global awareness at sa bansa natin, talagang nais nating ipaalam sa lahat na ito ay battle na bahagi tayong lahat, hindi po iilan lang, there will be no success kung iilan lang,“ ani Pacis.
“Kung patuloy tayong dadami, patuloy tayong magde-develop katulad dito sa National Capital Region, katumbas niyan ang patuloy na pagdami ng basura na ipo-produce natin. Late na nga na maintindihan natin, if we don’t move and act on this, tayo pa lang ngayon and the next generation will be getting more problems,” dagdag pa niya.
Paalala ng DENR sa mga lalahok sa malawakang paglilinis, na tiyakin ang tamang pagsagot sa ICC Trash Data Form na magsisilbing basehan sa mga patuloy na pag-aaral at pagtukoy sa mga basurang nagdudulot ng polusyon sa ating mga katubigan.
Inaasahang mas maraming Pilipino ang makikiisa ngayong taon sa International Coastal Cleanup 2026, gayundin ang partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa sa paglilinis ng mga baybayin at daluyan ng tubig sa kanilang lugar.