Patuloy ang ginagawang beripikasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng mga ulat na may mga Pilipinong nire-recruit o sinasama na maging bahagi ng foreign armed forces.
Sa pahayag ng DFA, nakikipag-ugnayan ang iba’t ibang foreign services posts ng PIlipinas sa mga otoridad para makumpirma ang impormasyong ito.
Tinitiyak naman ng DFA ang kanilang prayoridad ay kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa at kung may nangangailangan man ng tulong handang umalalay ang pamahalaan na akma sa batas ng Pilipinas, international practice at sa regulasyon ng host country.
Inilabas naman ng DFA ang pahayag matapos na may mapaulat na PIlipino na na-recruit para sa sigalot sa Russia at Ukraine at kalaunan ay nasawi.
Ang Pilipino ay pinapaniwalaang inalok noong una ng trabaho bilang logistics personnel sa Russia pero pagdating sa naturang bansa ay binigyan na ito ng trabaho bilang kasapi ng foreign armed forces.
Muli namang nagpaaalala ang DFA sa mga Pilipino na mag-ingat sa pagtanggap ng trabaho sa ibang bansa at unahin munang beripikahin kung lehitimo ang mga alok na trabaho, recruiter at employers lalo na sa mga lugar na may panganib na mapabilang sa recruitment sa foreign armed forces.