PCO
Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpapatuloy ang rehabilitasyon ng pamahalaan sa mga pampublikong pang-imprastraktura upang mabawasan ang pinsalang iiwan ng mga dadaang kalamidad sa Pilipinas.
Ayon sa pangulo, iniiwasan ng gobyerno na maulit ang malaking perwisyong iniiwan ng mga dumadaang bagyo, kung saan nasisira ang mga imprastruktura dahil sa mga baha at pagguho ng lupa.
Ayon sa Pangulo, magpapatuloy ang pagkukumpuni at pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura, kabilang ang pagpapatupad ng mga pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.
“So, patuloy lang and we will continue to come, we will continue to build, we will continue to repair, and may plano tayo para sa next year para eh doon na natin haharangin sa taas ‘yung tubig para hindi na natin poproblemahin, masyadong problemahin dito sa baba,” -Pangulong Marcos JR.
Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, nakapaloob na sa 2027 National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa mga proyektong nangangailangan ng rehabilitasyon.
“At ito ay nasa — ilalagay na namin — nasa NEP na para sa budget for next year, for 2027. Naka-budget na at titiyakin natin na hindi magagalaw ‘yung budget na ‘yun pagdaan sa budget process,” -Pangulong Marcos Jr.
Si Pangulong Marcos Jr., personal na ininspeksyon ang rehabilitasyon ng Mananga River sa Barangay San Isidro, Lungsod ng Talisay, Cebu. | ulat ni Racquel Bayan