Aabot sa 500 na mga artist mula sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao at Pilipinas ang nagtipon sa SM Lanang sa Davao City para sa Mindanao Art 2026.
Sa ikawalong taon ng nasabing aktibidad, tila ginawang malaking art gallery ang naturang mall matapos ang pormal na pagbubukas nito kahapon, Setyembre 20, 2026.
Bukod sa nasabing art exhibit, ipinagdiriwang din ng Mindanao Art ang mga bagong tagumpay nito matapos makatanggap ng ilang international awards ngayong taon.
Kabilang dito ang 2026 Gold Award for Innovation in Cultural or Community Events mula sa Asia-Pacific Stevie Awards, Gold Award for Excellence in Cultural Storytelling mula sa Marketing Excellence Awards 2026, at Bronze Awards mula sa Quill Awards at International Business Awards.
Bukod sa SM Lanang, magsasagawa rin ng mga satellite activities sa iba’t ibang lugar sa Davao City at Mindanao.
Kabilang sa mga aktibidad ngayong taon ang MinArt Talks, na pangungunahan ng internationally exhibited artists na sina Richard Buxani at Darwin Guevarra, kasama si art critic Sarah Tamissa Alcantara.
Isasagawa ang mga ito sa Davao City National High School at Balay Kublai sa Maa.
Inorganisa ng Lawig-Diwa Inc. sa Davao, katuwang ang National Commission for Culture and the Arts o NCCA at National Committee on Art Galleries, ang Mindanao Art ay naging isa sa mahahalagang kaganapan sa cultural calendar ng Mindanao.
Tatagal ang nasabing aktibidad hanggang Oktubre 1, 2026.