Apat ang nasugatan sa insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Batay sa inisyal na ulat ng Police Regional Office 12, bandang 1:30 ng hapon ngayong araw, Setyembre 18 nangyari ang insidente. Gumamit umano ang suspek ng kalibre .45 na baril.
Agad namang isinugod ang apat na biktima sa Surallah Hospital at Provincial Hospital. Buhay pa umano ang mga ito nang dalhin sa pagamutan.
Kasalukuyang nasa nasabing paaralan ang mga pulis upang tiyakin ang seguridad at alamin ang mga pangyayari sa naturang insidente.
Samantala, sa isang pahayag ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo sinabi niya na isolated ang naturang insidente at pinauwi na rin ang mga mag-aaral ng Banga National High School para makontrol ang kanilang emosyon.
Ayon kay Tamayo, lima naman ang apektadong mag-aaral kung saan ang mismong estudyanteng suspek ay nagbaril din ng kaniyang sarili at ang apat na biktima ay kasalukuyang nasa ospital ay malubha ang kalagayan ng iba.
Sinabi rin ng gobernador na nakausap nila ang best friend ng suspek at ito raw umano ay miyembro ng True Crime Community at patuloy nila itong iniimbestigahan.