Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Kongreso na magpasa ng panukalang naglalayong magtatag ng pinag-isang Electronic Medical Records (EMR) system upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa mga pasyente at makatulong na mabawasan ang mga gastusin sa kalusugan ng pamahalaan.
Ayon kay Yamsuan, ang kanyang panukala na HB 7866 o Unified Electronic Medical Records for All Filipinos ay magbibigay sa Department of Health (DOH) ng sistemang kailangan nito upang mapahusay ang operasyon ng mga government hospital.
Itinanong ni Yamsuan sa isang pagdinig kung paano maipapatupad ng DOH ang mga prayoridad nitong programa matapos kaltasan ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang budget nitong P837 bilyon at ibaba sa P353.8 bilyon sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program.
Aniya, plano ng Kamara na muling ayusin o realign ang mga item sa ilalim ng panukalang pambansang pondo para sa 2027 upang madagdagan ang alokasyon ng DOH, habang isinasaalang-alang din ang masikip na fiscal space sa susunod na taon.