Pormal nang nagsimula ngayong Biyernes, September 18, ang 2026 Philippine Handloom Weaving Festival sa isang mall sa Araneta City, Quezon City.
Isa itong inisyatiba ng DOST-Philippine Textile Research Institute na layong palakasin ang sektor ng handloom weaving sa bansa.
Isasagawa ang aktibidad mula ngayong Setyembre 18 hanggang Setyembre 20. Tampok dito ang HINABI Textile Bazaar, Textile Innovation Exhibition, Technology Demonstration, at serye ng Textile Exchange and Fora.
Sa naturang bazaar, mabibili ang iba’t ibang handwoven na produkto mula sa tela, damit, bag, wallet, at iba pang accessories.
Pinangunahan naman ang seremonya ni DOST Secretary Renato Solidum kasama ang iba pang opisyal ng ahensya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Solidum na suportahan at tangkilikin ang gawang lokal, na aniya’y malaking tulong sa pagbibigay ng hanapbuhay sa ating mga kababayan.
Lumahok naman ang mga lokal na manghahabi mula sa iba’t ibang rehiyon mula CAR, NCR, MIMAROPA, at BARMM.