Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at awtoridad kaugnay ng naiulat na insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na nababahala sila sa naturang insidente.
Giit ng DepEd, prayoridad nila ngayon ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at school personnel.
Sa ngayon, mahigpit ang koordinasyon ng ahensya sa Schools Division Office, Regional Office, mga lokal na awtoridad, at law enforcement upang mabatid ang tunay na pangyayari at makapagbigay ng tulong.
Handa rin anila ang ahensya na maglaan ng psychological first aid, mental health, at psychosocial support sa mga naapektuhan.
Hinimok naman ng DepEd ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.