LUNGSOD NG MAKATI, 18 Setyembre 2026— Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng learning outcomes, kasabay ng pagsasabing nakatulong ang aktibong pakikilahok ng mga komunidad sa mga naitalang pag-angat ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025, mula sa mga pamahalaang panlalawigan at lungsod, at bayan hanggang sa mga barangay.
“LGUs played a crucial role, from the provincial, city, and municipal levels down to our barangays. Nakipag-ugnayan sila sa mga paaralan para matiyak na maayos ang testing conditions, kabilang ang standby generators, medical personnel, at iba pang learner support,” ani Secretary Angara.
“Natulungan nilang matiyak na handa ang ating mga paaralan at mag-aaral para sa assessment at sana maging tuloy-tuloy itong suporta sa edukasyon ng ating mga LGUs,” dagdag niya.

Mahigit 170 LGU ang aktibong nakibahagi sa paghahanda at mga aktibidad kaugnay ng PISA, na nagpapakita ng malawak na suporta ng mga komunidad sa buong bansa.
Sa Metro Manila at Luzon, nagbigay ng praktikal na suporta ang mga LGU tulad ng Caloocan City, Pasig City, Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Sur, at Ayod, Isabela para sa paghahanda sa PISA, kabilang ang pondo, pagpapahusay ng testing rooms, tablets, internet connectivity, laptops, generators, pagkain, at iba pang tulong para sa mga mag-aaral.
Sa Visayas at Mindanao, nagbigay ang Municipality of Tapaz, Capiz ng financial assistance para sa pagkain at snacks ng mga mag-aaral, habang ang Tandag City Government ay naglaan ng internet connection, generator, computer laboratory upgrades, at assistance para sa mga mag-aaral.
Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas nitong performance sa reading, mathematics, at science mula nang unang lumahok ang bansa sa PISA noong 2018. Tumaas din ang porsyento ng mga mag-aaral na umabot sa baseline proficiency level sa tatlong learning domain.
Kinilala ni Angara ang papel ng mga lokal na pamumuno sa pag-angat ng edukasyon sa bansa, at binanggit ang aktibong pakikilahok mula sa mga gobernador, mayor, barangay captain, barangay officials, at iba pang lokal na lider.
Sinabi ni Angara na lalong nagiging pangunahing prayoridad ng mga lokal na lider ang edukasyon, kaya lumalawak ang kanilang papel mula sa mga tradisyonal na community programs tungo sa mas direktang suporta sa pagkatuto at kapakanan ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin din ni Angara na makikita ang lumalaking komitment ng LGUs sa edukasyon sa paggamit ng Special Education Fund (SEF). Kasunod ng mga reporma sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na ilaan ang SEF sa targeted learning recovery tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program, at mga programang pangnutrisyon.
Direktang sumusuporta ang mga pagsisikap na ito sa mga hakbang ng DepEd para tugunan ang learning gaps, partikular para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng karagdagang suporta.
Mismong ang PISA findings ay nagpapakita kung bakit mahalaga ang ganitong mga pamumuhunan, kung saan tinukoy ang kapaligiran sa paaralan, kalagayan sa tahanan, at iba pang panlipunang kundisyon bilang mga pangunahing impluwensya sa tagumpay ng mga mag-aaral.

Bukod dito, ang mas malakas na papel ng LGUs ay umaayon sa mas malawak na desentralisasyon ng DepEd na naglalayong magbigay ng mas malaking kapangyarihan at pananagutan sa lokal na antas.
Binigyang-diin ni Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) Director for Education and Skills Andreas Schleicher ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga paaralan, rehiyon, at komunidad ng mas malaking flexibility upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral, habang pinananatili ang malinaw na pambansang pamantayan at accountability.
Para kay Angara, ipinapakita ng aktibong pakikilahok ng LGUs na kailangang ituring ang edukasyon bilang shared responsibility, kung saan nagtutulungan ang national at local governments, mga paaralan, pamilya, komunidad, at iba pang partners.
“Kung sama-sama nating susuportahan ang learning recovery, nutrition, safe schools, at iba pang pangangailangan ng ating mga learners, mas malaki ang pagkakataon nating mapanatili at mapalawak ang magandang performance ng ating mga paaralan. Kailangan nating siguraduhin na walang maiiwang komunidad sa pag-unlad ng ating edukasyon,” aniya. | Press release from Department of Education (DepEd)