Nakapagtala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga katuwang na law enforcement agencies ng 84.46% conviction rate sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga na naresolba sa unang apat na taon ng administrasyong Marcos.
Batay sa datos ng PDEA, umabot sa 79,717 ang mga kasong naresolba mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2026.
Sa bilang na ito, 67,330 kaso o 84.46 % ang nagresulta sa conviction, habang 6,992 ang nauwi sa acquittal at 5,395 ang na-dismiss.
Mas mataas ito kumpara sa 78.07% conviction rate na naitala sa unang apat na taon ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, mahalaga ang maayos na paghawak ng ebidensya, paghahanda ng kaso at koordinasyon sa mga piskal upang matiyak na maipagtatanggol ang mga kaso sa korte.
Binigyang-diin ng ahensya, na hindi nagtatapos sa pag-aresto at pagsamsam ng ilegal na droga ang pagpapatupad ng batas, kung hindi nagpapatuloy ito hanggang sa paglilitis at pagresolba ng kaso sa korte.