Photo courtesy of House of Representatives
Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na makakarating at mabibigyang-pansin sa Kamara ang hinaing ng mga residente ng Laguna na kanilang iniharap sa ginanap na LegisHear townhall program.
Naging pangunahing pokus ng pampublikong konsultasyon ang pagtalakay sa House Resolution No. 906, na naglalayong himukin ang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng isang komprehensibo, sustainable, at integrated na flood mitigation and management plan para sa Laguna Lake Basin.
Naglalayon ang resolusyon na pigilan ang paulit-ulit na pagbaha upang maprotektahan ang mga komunidad at pangkabuhayan sa lalawigan, sa pamamagitan ng infrastructure at watershed management base sa na-update na master development plan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Binigyang-diin ni Speaker Dy ang kahalagahan ng pakikinig nang diretso sa mamamayan sa pamamagitan ng LegisHear.
Binigyang-diin pa ng lider ng kapulungan na bukod sa pagpasa ng mga panukalang batas, mahalagang tungkulin din ng Kongreso na tiyaking maayos na naipatutupad ang mga ito para sa kapakinabangan ng publiko.