Hindi makatutulong ang blanket ban sa social media para sa mga wala pang 18 anyos upang mapigilan ang karahasan sa kabataan. Ito ang iginiit ng Philippine Mental Health Association o PMHA, kasunod ng pag-apruba ng Senado sa panukalang batas na magbabawal sa mga menor de edad na gumamit ng ilang social media platform.
Ayon kay PMHA National Executive Director Dr. Carolina Uno-Rayco, hindi lamang online content ang dapat tutukan dahil maraming salik ang maaaring mag-ambag sa mga insidente ng karahasan, kabilang ang mga pamamaril sa paaralan.
Sa halip na ganap na ipagbawal ang social media, isinusulong ng grupo ang mas mahigpit na proteksiyon laban sa mapaminsalang content, sapat na serbisyong pangkalusugang pangkaisipan, ligtas na kapaligiran sa paaralan, at maagang pagtukoy sa mga kabataang nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin din ng PMHA ang papel ng mga magulang, paaralan, at komunidad sa pagtuturo ng responsableng paggamit ng internet at digital literacy.
Inilabas ng grupo ang nasabing pahayag matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces o SMART KIDS Act, noong Oktubre 8.
Kasunod ito ng sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa, na nagpasiklab sa panawagang higpitan ang access ng mga menor de edad sa social media.