Nagbigay babala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa masamang epekto ng ashfall kasunod ng moderately explosive eruption ng Bulkang Kanlaon kaninang tanghali.
Ayon sa DOH, naganap ang pagputok 12:46 ng tanghali na nagdulot ng ashfall sa ilang bahagi ng Negros Occidental at Negros Oriental.
Pinapayuhan ng ahensya ang publiko na gumamit ng N95 mask sa mga panahon tulad ngayong may pagbagsak ng ashfall. Kung wala nito, maaaring gumamit ng basang panyo o damit bilang pansamantalang panangga sa abo ng bulkan. Mahalaga ring takpan ang ilong at bibig, umiwas sa mga lugar na may ashfall, at manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan.
Samantala, dapat tiyaking malinis at ligtas ang iniinom na tubig at pagkain. Pinapayuhan ding panatilihin sa loob ng bahay ang mga alagang hayop upang maiwasan ang paglanghap ng mga ito ng abo.
Pinayuhan din ang mga motorista sa lugar na magmaneho nang mabagal, tiyaking malinis ang windshield at may sapat na windshield washer fluid, at gawing buksan ang headlights kahit umaga upang mapabuti ang visibility sa kalsada.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad, alamin ang mga emergency hotline, at makipag-ugnayan sa mga kinauukulan kung kinakailangang lumikas upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
📸 DOH

