Umabot sa ₱1.3 milyon ang pinakamalaking halaga ng hospital bill na na-charge ng Eastern Bicol Medical Center (EBMC), Virac, Catanduanes sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng pamahalaan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Dr. Bessie Zafe, Chief of Hospital ng EBMC, mayroon ding mga pasyenteng nabigyan ng tulong na nagkakahalaga ng mahigit ₱600,000, habang ang iba naman ay umabot sa ₱100,000 hanggang ₱250,000.
Aniya, malaking tulong ang MAIFIP dahil nababawasan o wala nang kailangang bayaran ang mga pasyente sa kanilang pag-discharge, kaya nababawasan ang kanilang pinansyal na pasanin.
Bilang referral hospital at nag-iisang Level 2 government hospital sa Catanduanes, libo-libong pasyente na umano ang natulungan ng EBMC sa pamamagitan ng naturang programa.
Kaugnay nito, nanawagan si Zafe kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tuloy-tuloy ang pondo para sa programa, dahil malaking tulong aniya ito sa mga pamilyang maaaring maubusan ng ipon o kabuhayan dahil sa pagkakasakit.