Maituturing na isang gracious choice ang pagpapatugtog ng China sa kantang Anak ni Freddie Aguilar bilang pagbati sa kaniyang pagdating sa gala dinner ng APEC Summit, na ginanap sa Shenzhen, China.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng iba’t ibang interpretasyon sa pagpili ng naturang awitin.
Ayon sa Pangulo, nagulat din siya nang marinig ang kanta habang pumapasok sa bulwagan.
Itinuturing niya itong isang warm gesture ng China, upang ipakita ang pagiging magkaibigan ng dalawang bansa.
”It was a very, very warm gesture from the Chinese to, I guess, just say, make you feel at home.” -Pangulong Marcos Jr.
Nilinaw din ni Pangulong Marcos na ang awiting Anak ay tinugtog lamang sa kaniyang pagpasok, habang ang isa pang awiting Pilipino na ‘Leron, Leron Sinta’ ang pinatugtog sa mismong gala dinner para sa mga lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Sabi ng Pangulo, ang awiting Anak ay isa sa mga pinakamalaking international hits ng Pilipinas, na naisalin na sa 51 wika, at napapakinggan sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Amerika, Europa, Africa, at Latin America.
Katunayan, mayroong ilang kapwa lider na nagtanong sa kaniya tungkol sa kahalagahan ng awitin dahilan upang alamin niya ang lawak ng naging popularidad nito sa buong mundo.
”I thought it was a very, how do you say, gracious choice by the Chinese. It was very nice of them to play it.” -Pangulong Marcos