Muling hiniling ni Senate Committee on Ethics and Privileges Chairperson Senador Vicente Sotto III kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na magsumite ng written response kaugnay ng ethics complaint na inihain laban sa kanya dahil sa matagal na pagliban o pag-absent sa mga sesyon ng Senado.
Sa liham na may petsang November 20, sinabi ni Sotto na wala nang ibang dokumentong naisumite kaugnay ng reklamo, bukod sa mga nauna nang ipinadala kay Dela Rosa.
Ito ay kasunod ng liham na pinadala sa kumite ng tanggapan ni Dela Rosa noong November 19, na kumikilala sa pagtanggap ng abiso tungkol sa reklamo at nagtatanong kung may iba pang affidavit na isusumite ang complainant na grupong Wag Kang KuCorrupt.
Ayon sa tanggapan ng senador, ang natanggap nilang mga dokumento ay binubuo ng pangunahing reklamo at limang affidavit mula sa mga complainant, kahit siyam ang lumagda sa orihinal na reklamo.
Nauna nang sinabi ng Ethics Committee na sapat sa porma at nilalaman ang reklamong inihain laban kay Senator Bato.
Sinabi rin ni Sotto na maaari pa rin silang magsagawa ng pagdinig kahit hindi magsumite ng sagot si Dela Rosa.
Kasabay nito, hihilingin din niya sa Senate Rules Committee na pag-aralan ang panukala ng Ethics Committee kaugnay ng mga senador na matagal na hindi pumapasok sa sesyon.
Matagal nang hindi nakakadala sa mga sesyon ng Senado si Dela Rosa, mula pa noong November 2025, at nagpakita lang ng ilang araw sa Senado noong Mayo bago muling nagtago.
Nahaharap ang senador sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).