Hindi lamang benepisyo sa linya ng diplomasya ang natamo ng Pilipinas at mga Pilipino mula sa katatapos lamang na 49th ASEAN Summit.
Bagkus, nagbigay daan pa ito sa mas maraming trabaho, dagdag-kita para sa publiko, lalo na sa maliliit na negosyante, hanggang sa libreng sakay sa mga commuter.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na nabigyan ng direktang negosyo ang mga manghahabi, embroiderer, at garment makers sa Lumban, Laguna.
Ang hosting ng Pilipinas sa summit, ay pinakinabangan din ng mga lokal na MSMEs at manggagawa sa creative at transport industries.
Higit 111,000 commuters ang nakinabang sa libreng sakay ng modernong e-jeep, habang umabot naman sa kalahating milyon ang libreng biyahe sa LRT-1 noong kasagsagan ng ASEAN Summit.
Aniya, nabigyan din ng pagkakataon ang mga micro at small enterprises na magbenta ng kanilang produkto sa International Media Center (IMC) kung saan umabot sa tatlong milyong piso ang kabuuang benta.
Paliwanag ng opisyal, layunin ng pamahalaan na hindi lamang mga delegado at dayuhang bisita ang makinabang sa ASEAN hosting ng Pilipinas, kundi maging ang mga lokal na negosyo, manggagawa at ordinaryong mamamayan ng bansa.