Pinalawig ng Department of Foreign Affairs (DFA) nang isa pang taon ang visa-free entry para sa Chinese nationals na bibisita sa Pilipinas na hindi lalagpas sa 14 na araw.
Sa abiso ng DFA epektibo mula January 16, 2027 hanggang Janury 15, 2028.
Ayon sa kagawaran, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mas mapalakas ang turismo at pamumuhunan sa Pilipinas.
Pero paglilinaw ng ahensya, magagamit lamang ang libre visa para sa turismo o negosyo, at hindi maaaring pahabain ng hihigit pa sa 14 na araw ang pananatili ng mag-aavail nito. Hindi rin maaaring i-convert o palitan ng ibang uri ng visa.
Mahigpit din ang mga patakaran para sa mga papasok na bisita, sa NAIA sa Metro Manila at Mactan-Cebu International Airport lamang sila puwedeng dumaan.
Kailangan din nilang magparehistro sa eTravel, may pasaporteng valid nang hindi bababa sa anim na buwan lampas sa kanilang biyahe, may kumpirmadong hotel booking, at may return o onward ticket.
Bukod dito, dapat ay walang derogatory record at dadaan pa rin sila sa masusing inspeksyon at security screening ng Bureau of Immigration.
Samantala, para naman sa mga magta-transit lamang sa Pilipinas patungo sa ibang bansa ay kailangan pa ring kumuha ng transit visa.