Screenshot
Malaking tulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng pinansyal na suporta para sa pagpapagamot ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP Program, ayon sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC).
Ayon kay Dr. Maria Bessie Rodulfo-Zafe, Chief of Hospital ng EBMC, nababawasan sa pamamagitan ng programa ang pinansiyal na pasanin ng mga pasyente dahil maaaring mai-charge sa MAIFIP ang kanilang kwalipikadong gastusing medikal.
Kabilang sa mga na-charge sa programa ang isang hospital bill na umabot sa mahigit ₱1.3 milyon, habang mayroon ding mga kaso na nasa ₱600,000, gayundin ang nasa ₱100,000 at ₱250,000.
Bilang end-referral hospital at tanging Level 2 government hospital sa Catanduanes, sinabi ni Rodulfo-Zafe na libo-libong pasyente ang natutulungan ng EBMC, kaya malaking bagay ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng MAIFIP.
Gayunman, sinabi niyang hindi regular ang pagdating ng pondo sa ospital at limitado rin ang kamakailang natanggap na alokasyon.
Dahil dito, nanawagan si Zafe ng mas malaki at tuloy-tuloy na pondo para sa MAIFIP upang mas marami pang pasyenteng nangangailangan ang mapagkalooban ng tulong.
Aniya, sa ilalim ng programa, nabibigyan ng pagkakataon ang mga pasyente at kanilang pamilya na higit na makapagtuon sa pagpapagamot nang hindi labis na nabibigatan sa gastusing medikal.