Photo courtesy of Rep. Jude Acidre
Iginiit ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Jude Acidre na dapat matukoy sa imbestigasyon sa Banga National High School shooting kung paano nakakuha ng baril ang isang menor de edad at naipasok ito sa paaralan.
Dapat din aniyang alamin kung may mga babala o senyales na maaaring napansin at maagapan bago ang insidente.
Ayon kay Acidre, kailangang gamitin ang resulta ng imbestigasyon sa pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan at support system para sa mga estudyante.
Nanawagan siya ng mas mahigpit na school safety protocols, responsableng pag-tatago ng baril, at sapat na guidance counselors at mental health professionals.
Giit niya, dapat may malinaw na paraan para agad mai-report at maaksyunan ang mga banta sa sarili o ibang tao.
Hinimok din niya ang mga mambabatas na tugunan ang mga kakulangan sa batas, pondo, at pagpapatupad ng mga safety measures.
Kasabay nito, nanawagan si Acidre sa publiko na huwag ikalat at gawing content ang mga video at larawan ng insidente bilang paggalang sa mga biktima at kanilang mga pamilya.