Sa pangunguna ng Pilipinas bilang ASEAN 2026 Chair, matagumpay na naidaos ang ika-31 Closer Economic Relations Consultation sa pagitan ng economic ministers ng ASEAN, Australia at New Zealand.
Ginanap ito sa Philippine International Convention Center ngayong Lunes (September 21) ng umaga, kung saan tinalakay ang iba’t ibang mga hakbang para matugunan ang mga hamon ng nagbabagong global business environment, dulot ng mabilis na pagyabong ng teknolohiya at pagbabago ng daloy ng suplay sa merkado.
Sa kanyang opening statement, binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary for International Trade Group, Allan B. Gepty ang mahalagang ugnayan ng ASEAN sa Australia at New Zealand sa paghahatid ng mga iba’t ibang mga praktikal na benepisyo na makakatulong sa mga micro, small, and medium enterprises sa rehiyon upang makasabay sa patuloy na pag-unlad ng ASEAN sa pamamagitan ng “digital interconnected economy.”
Ayon pa kay Usec. Gepty, pumalo sa USD 153.9 Billion ang two-way trade ng ASEAN sa Australia at New Zealand noong 2025, na patunay ng matatag na trade partnership sa pagitan ng mga ito.
Senegundahan naman ni Dr. Shane Reti, deputy chair ng foreign affairs, defense and trade committee ng New Zealand, ang halaga ng maigting na pakikipag-ugnayan ng bawat panig sa pagsusulong ng “open-market” at “rules-based trading system” upang matiyak ang katatagan ng ekonomiya sa rehiyon.
Samantala, binati naman ni Matt Thislewaite, Asst. Minister for Foreign Affairs and Trade ng Australia, ang Pilipinas sa matagumpay nitong pangunguna sa ASEAN sa kabila ng mga hamon sa global economy ngayong taon.
Ang naturang pagpupulong ay bahagi ng 58th AEAN Economic Ministers Meeting and Related Meetings na kasalukuyang ginaganap sa Pasay City.