Mahaharap sa dismissal sa serbisyo at posibleng kasong kriminal ang policewoman na may-ari ng baril na ginamit ng isa sa mga menor de edad na suspect sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Kung matatandaan, tiyahin ng isa sa mga menor de edad na suspek ang policewoman.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na nasa restrictive custody na ang naturang pulis habang sumasailalim sa pre-charge investigation at summary dismissal proceedings.
Aniya, bukod sa kasong administratibo, maaari ring managot ang policewoman dahil sa umano’y pagkawala ng kaniyang service firearm, at sa civil liabilities kaugnay ng insidente.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng PNP na ang 9mm Glock 17 na narekober mula sa 14-year old na suspect ay naka-issue sa naturang pulis na nakatalaga sa Police Regional Office 8.
”Iyong initial, ay iyong pamangkin po ng isang police woman iyong isa. So, at an early age he was taught… Supposedly, ito po ay para maturuan siya ng responsible gun ownership but sad to say naging kabaligtaran siya po ang naging ano ng krimen na ito.” -Co.
Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam kung paano napasakamay ng menor de edad ang service firearm na kalaunan ay ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School.
Tatlong estudyante ang nasawi habang mahigit dalawampu ang nasugatan sa insidente. “Ang ating masusi pang iniimbestigahan. Kagaya nga po nang sinabi ko, iyon pong ating policewoman, iyon pong sa 9mm, ay voluntary subjected herself to the investigation kung paano po ito nakuha. Ongoing pa po ang alam natin na …pagkakaalaman natin kung paano po napunta sa kamay ng kaniyang pamangkin po.” -Co.