Muling nabanggit ang pangalan nina dating Congressman Zaldy Co at dating Congresswoman Mitch Cajayon-Uy sa pagdinig ng graft case na kinahaharap ni dating Senador Bong Revilla at anim pang kapwa akusado.
Sa Sandiganbayan Fourth Division, sinabi ni Edrick San Diego, dating driver ng dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, na naghatid umano siya ng mga maleta at kahon kina Co at Cajayon-Uy, bukod pa kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Itinanggi naman ito ni Cajayon-Uy at iginiit na wala siyang kinalaman sa Bulacan dahil taga-Caloocan siya.
Pinagtibay rin ni San Diego ang naunang testimonya ni Alcantara na naghatid siya ng mga kahon sa Diamond Hotel para umano sa mga tauhan ni Bernardo.
Ayon kay San Diego, tinatayang nasa ₱10 milyon ang laman ng bawat kahon. Gayunman, nilinaw niyang hinala lamang ito dahil hindi niya nakita ang aktuwal na laman ng mga kahon.