Ang Casa de Segunda, na kilala rin bilang Luz-Katigbak Ancestral House, ay isang makasaysayang bahay na bato sa Lipa City, Batangas. Itinayo ito noong 1860s at pinangalanan kay Segunda Katigbak, ang babaeng itinuturing na unang pag-ibig ni Dr. Jose Rizal.
Nagtagpo ang dalawa noong 14 na taong gulang pa lamang si Segunda sa bahay ng lola ni Rizal sa Maynila. Bagaman nahulog ang loob ni Rizal sa kanya at madalas siyang iguhit at bisitahin, hindi sila nagkatuluyan. Nakatakda nang ikasal si Segunda kay Don Manuel Luz, isang binata mula sa mayamang pamilya rin sa Lipa. Sinasabing naging mahiyain si Rizal at hindi na ipinaglaban ang kanyang nararamdaman hanggang sa ikinasal ang dalawa.
Ang bahay ay isang klasikong halimbawa ng bahay na bato. Nakaligtas ito sa matinding pambobomba sa Lipa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya isa ito sa mga huling orihinal na estruktura sa lungsod.

Noong 1996, kinilala ito bilang isang mahalagang pamanang pangkasaysayan ng Pilipinas. Ngayon, nagsisilbi itong museo na nagpapakita ng marangyang pamumuhay ng mga pamilya sa Lipa noong panahon ng Kastila, lalo na noong ginto ang industriya ng kape sa Batangas. Makikita rito ang mga antigong kasangkapan, mga lumang litrato, at ang magandang hardin na parang nagdadala sa iyo pabalik sa nakaraan.
Panoorin ang panayam kay Mr. Edgardo Victor Malabanan, retired banker at tagapangalaga ng Casa de Segunda — The Luz-Katigbak Ancestral House, sa programang Iskultura.