Inihayag ni lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na tinatalakay pa nila sa ngayon ang ilang isyung balak nilang idulog sa Senate impeachment court.
Bukod ito sa hiling nilang palawigin ang oras at magdagdag ng mga miyembro sa team upang matapos ng depensa at prosekusyon ang marking of evidence.
Kabilang sa mga isyung ito ang posibleng pagbubunyag ng mga testigo nang hindi bababa sa tatlong araw bago sila iharap sa korte.
Kasama rin dito ang panukalang paggamit ng Filipino at English sa impeachment trial.
Gayundin, tinatalakay ang paglahok ng kapwa pampubliko at pribadong mga piskal sa presentasyon ng mga testigo at ang posibleng pagbubukas ng kahon ng BIR sa pinakamaagang pagkakataon.
Una nang sinabi ni Luistro na bahagi ng kanilang manifestation ang paghiling sa impeachment court na linawin ng depensa ang layunin ng mga testigong kabilang din sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon.
Dagdag pa ni Luistro, ihahain nila ang kanilang manifestation sa Senate impeachment court bukas, Hunyo 24.