PNA
Pababa na ang trend, naitala sa 40% na pagbaba mula noong 2022 ayon sa Council for the Welfare of Children.
Naitala ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang bumababang trend ng mga kaso ng child labor sa Pilipinas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni CWC Executive Director Angelo Taples na batay sa mga nakaraang taon ng Marcos Administration, pababa ang datos ng child laborers.
Noon aniyang 2022, sa unang taon ng Marcos Administration, naitala ang 828, 000 cases ng child labor.
Pagsapit ng 2023, bumaba ito sa 678,000 cases. Habang nitong 2024, bumaba pa ito sa 509, 000.
Hinihintay pa aniya ang ilalabas na datos para sa 2025, ngunit positibo ang opisyal na kakikitaan rin ito ng downtrend.
Sabi ni Tapales, pangunahing dahilan sa pagbaba ng pigurang ito ay ang pagiging aktibo ng DOLE sa pagsawata sa child labor sa pamamagitan ng kanilang National Council for Child Labor.
Pinakamarami aniyang naitalang mayroong child labor incidents ay mula sa sektor ng agrikultura, sumunod ang sektor ng industriya, at ikatlo ang service sector.
Marami pa rin kasi aniyang pamilyang Pilipino ang tinuturuan nang magsaka ang kanilang mga anak sa murang edad pa lamang, bilang bahagi ng tinatawag na family farming.
Ang paalala ng opisyal, kailangan pa ring balansehin ng mga magulang ang sitwasyon.
Dapat pa ring bigyan ng oras na makapaglaro o makagawa ng development activities ang mga bata, at hindi puro pagsasaka o pagta-trabaho sa bukid, upang hindi ito maituring bilang child labor. | ulat ni Racquel Bayan