Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga suhensyon na amyendahan ang Juvenille Justice and Welfare Act, maging ang mungkahi ng PNP na ibaba sa 12 years old ang edad na maaaring papanagutin sa batas.
“Sabi nga natin kung anuman ang maibibigay na version ng Kongreso at titingnan po iyan ng Pangulo. Pero sa ating pagkakaalam, yes, open ang Pangulo kung mabababa man ang edad po.” —Castro.
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro makaraang sabihin ng Philippine National Police (PNP) na suportado nila ang pagbaba sa edad na maaaring managot sa batas, at kung sila ang tatanungin, dapat ibaba ito hanggang 12 taong gulang.
Mula ito sa kasalukuyan 15 anyos.
Sabi ni Castro, resonable ito lalo na kung ito ang nakikitang angkop na edad ng PNP na dapat managot sa batas.
“Nakikita rin natin ang nasa isipan ng mga miyembro ng PNP na ang mga kabataan ngayon ay mulat na kung ikukumpara noon. Nakikita natin ‘pag sinabi natin ay hindi ka naman makakasuhan mas malakas iyong loob nila na gumawa ng hindi maganda.” —Castro.
Batid aniya ng pamahalaan na ang mga kabataan sa kasalukuyan, mas mulat na kumpara noon, at mas malakas na ang loob na gumawa ng hindi maganda.
Kung ano aniya ang makikita ni Pangulong Marcos Jr. na bersyon ng panukala na makakabuti para sa mga kabataan, sasang-ayunan ito ng pangulo.
“Depende po iyan, kasi kung ano pong makikita na version ng Pangulo, at kung ito naman ay magiging mas makakabuti sa ating mga kabataan at para sa pagpapatupad ng ating batas ay sasang-ayunan naman po ng Pangulo iyan.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan