Matagumpay na isinagawa sa loob ng anim na araw, mula Hunyo 14 hanggang Hunyo 19, sa West Philippine Sea (WPS) ang ika-apat na bilateral maritime cooperative activity (MCA) sa pagitan ng mga naval at air unit ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ang pangunahing layunin ng aktibidad na ito ay mapalakas at mapagtibay pa ang kooperasyon ng Pilipinas at US padating sa maritime operations.
Ani Col. Padilla, pinagaganda ng MCA ang koordinasyon, komunikasyon, at kahandaan ng ating pwersa ng dalawang bansa, kung saan napapalawig pa ang skill sets ng mga kawani ng Sandatahang Lakas na kritikal pagdating sa pagdepensa ng ating maritime domain.
Bukod dito, ayon sa AFP spokesperson, mahalaga ang papel na ginagampanan ng MCA sa pag-i-improve ng maririme domain awareness para maging mas mabilis ang pag-responde sa mga hamong pangseguridad ng ating bansa.
Matatandaan na bukod sa ating Sandatahang Lakas at US Pacific Command (USPACOM), kasama rin sa lumahok sa bilateral MCA ang ating Philippine Coast Guard (PCG).