Pormal nang sisimulan ngayong Martes, Hunyo 23, ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga pamilyang sinalanta ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Target ng DSWD na abutan ng tulong ang mahigit 139,000 pamilyang apektado sa Region 11 (Davao Region) at Region 12 (Soccsksargen). Ayon sa paunang ulat, naglaan ang pamahalaan ng tinatayang PHP 799.59 milyong pondo para sa naturang rollout.
Ang pamimigay ng ECT ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mabilis at sapat ang tulong na matatanggap ng mga biktima ng nagdaang lindol noong Hunyo 8 upang matulungan silang makabangon at maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Inihayag naman ni Director Maria Isabel Lanada ng DSWD Disaster Response Management Bureau na personal na bibisitahing muli ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga pinaka-naapektuhang lugar upang pangunahan ang pamamahagi.
“Sa Tuesday, pupunta po si Secretary Rex Gatchalian ulit sa mga lugar na labis na naapektuhan ng lindol. Ang ilan sa mga lugar na ito ay ang mga munisipalidad ng Glan at Malapatan sa Sarangani; General Santos City; at Balut Island at Jose Abad Santos sa Davao Occidental,” saad ni Lanada sa isang pahayag nitong Lunes.
Ang ECT ay isang estratehiya ng DSWD na naglalayong magsilbing tulay mula sa paunang relief operations patungo sa maagang pagbawi ng mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng “unconditional cash assistance” o tulong-pinansyal na walang kalakip na striktong kondisyon para sa mga pamilyang lubos na nangangailangan sa panahon ng kalamidad.