Tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng Philippine Coast Guard (PCG) ng assistance sa mga naapektuhan ng nagdaang magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani, kung saan halos 800 kawani ng PCG ang kasalukuyang naka-deploy.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, ibinahagi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na naka-deploy din ang PCG search and rescue K9 working dogs sa Barangay Ilaya sa Glan, Sarangani upang makatulong sa paghahanap sa isang naiulat na nawawalang indibidwal sa naturang lugar.
Dagdag ni Commodore Cayabyab, nagpapatuloy din ang patulong ng PCG sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) pagdating naman sa pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang apektado ng nangyaring lindol noong Hunyo 8, 2026.
Bukod dito, ani Commodore Cayabyab, naka-deploy din ang BRP Corregidor batay na rin sa naging direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Samantala, kaugnay naman ng Bagyong Francisco, sinabi ng PCG spokesperson na kahit Signal No. 1 lamang ang nakataas ay kinansela na ang mga biyaheng pandagat sa Batanes, Northern Cagayan, at Babuyan Islands.
Ayon kay Commodore Cayabyab, naka-heightened alert status ang kanilang operating units, partikular na sa hilangang-silangang bahagi ng Luzon.