Photo from DSWD
Inihayag ng pamahalaan ang mas pinalakas na interbensyon upang protektahan ang ekonomiya at ang mga mamamayan mula sa epekto ng sigalot sa Middle East. Plano ngayon ng Pilipinas na humiram ng hanggang USD1.5 bilyon (humigit-kumulang PHP88 bilyon) mula sa Asian Development Bank (ADB) para pondohan ang malawakang programang UPLIFT (Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport).
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, pormal nang ipinaabot ng gobyerno ang intensyon nitong gamitin ang Counter-cyclical Support Facility (CSF) ng ADB. Ang CSF ay isang mabilisang tulong-pinansyal na ibinibigay ng bangko sa mga bansang nakararanas ng matitinding krisis o “shocks” gaya ng pandemya, problemang pang-ekonomiya, at kaguluhan sa ibang bansa.
“Kasama rito ang tulong sa mga bulnerableng sektor upang maibsan ang epekto ng supply ng langis at iba pang mga pagsubok,” paliwanag ni Go.
Todo-Bantay ang Pamahalaan sa Presyo ng Langis at Pagkain
Ang programang UPLIFT ay binuo sa ilalim ng Executive Order No. 110 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ito ay isang whole-of-government approach—o ang pagkakaisa ng lahat ng ahensya ng pamahalaan—upang masigurong hindi mapaparalisa ang bansa sa kabila ng krisis sa labas ng Pilipinas.
Nakasentro ang interbensyon ng administrasyong Marcos sa apat na mahahalagang aspeto:
- Tiyak na Supply ng Enerhiya: Pagsisiguro na may sapat at tuloy-tuloy na supply ng langis at kuryente sa bansa.
- Serbisyo Publiko: Hindi pagkaantala ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno para sa mamamayan.
- Tuloy-tuloy na Negosyo: Pag-alalay sa mga industriya at kabuhayan upang hindi huminto ang ikot ng ekonomiya.
- Kalingang Panlipunan: Pagbibigay ng subsidiya at ayuda sa mga sektor na pinakatamaan ng taas-presyo ng petrolyo, lalo na ang mga tsuper, magsasaka, at mangingisda.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, tinitiyak ng pamahalaan na may nakahandang pondo at estratehiya ang bansa upang saluhin at protektahan ang mga Pilipino laban sa anumang biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at petrolyo sa pandaigdigang merkado.