Matapos ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa ilang eskwelahan, nanawagan ang Council for the Welfare of Children (CWC) ng mas pinalakas na school safety measures para sa kaligtasan at proteksyon ng mga bata.
Ayon sa CWC, labis nitong ikinaalarma ang nangyaring mga insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng iba pa.
Giit ng ahensya, dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan kung saan malayang natututo ang mga bata nang walang takot sa karahasan.
Binigyang-diin ng ahensya ang pangangailangan na palakasin ang school-based child protection mechanisms, mental health programs, violence prevention initiatives, at early intervention systems.
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pakikiramay ang CWC sa pamilya ng mga nasawing estudyante sa insidente sa Tacloban at nanawagan ng sapat na psychosocial support, at mental health assistance para sa mga apektadong mag-aaral, pamilya, guro, at school personnel.
Suportado rin ng CWC ang direktiba ng Pangulo na agad imbestigahan ang school shooting incident.
“At the same time, these efforts must also uphold the rights and best interests of the suspects in these incidents, who are all reportedly Children in Conflict with the Law (CICL). In line with Republic Act No. 9344 or the Juvenile Justice and Welfare Act, as amended by Republic Act No. 10630, they should not be treated as criminals, but as children requiring intervention and protection.”