Pag-uusap at bonding time ang kailangang gawin ng mga magulang upang magabayan ang kanilang mga anak.
Ito ang naging payo ng psychologist na si Dra. Camille Garcia sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service hinggil sa mga pamamaraang pwedeng gawin ng mga magulang upang mapanatili ang matibay na relasyon at komunikasyon sa kanilang mga anak.
Ang pahayag na ito ni Dra. Garcia ay sa likod ng pamamaril ng dalawang menor de edad na estudyante ng San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong mag-aaral ng nasabing paaralan at ikinasugat ng marami pang iba.
Bullying ang itinuturong dahilan ng mga suspek sa likod ng kanilang pamamaril sa nasabing paaralan, bagama’t patuloy pa rin itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Kaugnay naman ng anggulong ito, sinabi ni Dra. Garcia na maaaring compounded experiences pareho sa eskwelahan at sa bahay ang naging puno’t dulo ng pamamaril at hindi lamang bullying.