Iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang posibleng pananagutan ng mga magulang at tiyahin ng mga menor de edad na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na tinitingnan ng mga awtoridad ang posibleng kapabayaan ng mga nakatatanda na naging dahilan upang magkaroon ng access ang dalawang menor de edad sa mga baril na ginamit sa insidente sa San Jose National High School.
Batay sa paunang imbestigasyon, ginamit umano ng 14-anyos na suspek ang isang Glock 17 pistol na pagmamay
-ari ng kanyang tiyahin na isang pulis ng Police Regional Office 8.
Samantala, may dalang .38 caliber revolver ang 15-anyos na suspek na nakarehistro sa isang security agency sa Cebu.
Binigyang-diin ni Remulla na responsibilidad ng mga nakatatanda ang maayos na pag-iingat ng mga baril upang hindi ito mapunta sa mga menor de edad.
Ayon sa PNP, maaaring maharap sa kaso ang pulis na may-ari ng baril at ang security agency dahil sa umano’y kapabayaan at paglabag sa mga umiiral na regulasyon sa pagmamay-ari at pag-iingat ng mga baril.
Sinabi rin ng DILG Chief na batay sa paunang ulat ng PNP, posibleng nakatulong ang naranasang bullying at impluwensya ng video games sa naging motibo ng mga suspek sa insidente. | ulat ni Rey Ferrer