Nagsagawa ng case conference ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Tacloban City.
Sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, kasama ang Juvenile Justice and Welfare Council at Eastern Visayas Regional Multidisciplinary Team, tinalakay ang mga hakbang ng pamahalaan para sa mas epektibong interbensyon.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng training at kapasidad ng mga social worker sa paghawak ng mga katulad na kaso.
Sinuri rin ang Family Development Sessions ng DSWD upang mas mapalakas ang papel ng mga magulang sa pag-iwas sa karahasan at krimen.
Isinagawa rin ang joint assessment ng kaso na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad na suspek, edad 14 at 15, kaugnay ng insidente sa San Jose National High School.
Layunin ng pagpupulong na matiyak ang angkop na interbensyon at maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente sa hinaharap.