Suportado ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang panawagang ibaba ang edad para sa criminal responsibility dahil sa umano’y paggamit sa mga menor de edad bilang drug couriers.
Sa ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na isa sa mga nakikitang butas sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act ay ang pagsasamantala sa mga kabataan sa operasyon ng ilegal na droga dahil hindi sila maaaring sampahan ng kaso kapag nahuli.
Ginawa nang kalihim ang pahayag matapos ang insidente ng pamamaril ng dalawang menor de edad sa isang paaralan sa Tacloban City.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na wala pang napagkakasunduang partikular na edad para sa criminal responsibility. Aniya, makikipag-usap ang DILG sa Kongreso kaugnay dito.
Nabatid na sa ilalim ng naturang batas, ang mga batang 15 taong gulang pababa ay exempted sa criminal liability at sa halip ay sasailalim sa intervention programs.
Nakasaad din sa batas na ang mga batang higit sa 15 taong gulang ngunit wala pang 18 taong gulang ay maaari lamang managot sa krimen kung mapatutunayang nauunawaan nila ang kanilang ginawa at ang magiging epekto nito. | ulat ni Diane Lear