Ibinalik ng Malacañang kay Vice President Sara Duterte ang batikos nito sa intelligence gathering ng pamahalaan kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, mga estudyante pa rin ang sangkot sa mga krimeng ito, at hindi mga terorista, para isailalim sa monitoring.
“Ibig sabihin, estudyante dapat minu-monitor para sa intelligence gathering? Hindi sila mga terorista, sila ay mga estudyanteng mukhang diumanong gumon lang sa online gaming na marahas.” -Castro.
Ipinaalala rin ni Castro sa bise presidente na mayroong kahalintulad na pangyayari noong Duterte Administration.
Partikular nitong binanggit ang barilan sa loob ng Masili National High School sa Calamba, Laguna noong 2019 na kinasangkutan ng 15-anyos na Grade 7 student.
Tanong ni Castro, bakit hindi rin natunugan ng intel ang pag-atake sa Davao noong 2016 na sinabing kagagawan ng teroristang Abu Sayyaf Geoup (ASG).
Gayundin ang isa pang insidente ng pambu-bomba noong November, 2016 kung saan tinarget ang Duterte security team, at pagsabog sa paaralan noong 2019.
Ayon kay Castro, dahil magaling namang pumuna si VP Sara, dapat tinuruan nito ang kaniyang ama noon, naiwasan sana ang naturang mga karahasan sa nakaraang administrasyon.
“Kung iyan ang sinasabi niya na dapat na minu-monitor through an intelligence gathering, bakit kaya noong 2019 sa Masili National High School, Calamba, Laguna ay nagkaroon din ng barilan sa loob ng classroom? Isang 15-year old, Grade 7 student ang involved. This is 2019, it occurred 2019. Bakit hindi ito kaya nakita sa intelligence report ng kaniyang ama?” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan