Iginiit ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na ang pagkalat ng maling impormasyon o disinformation tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA) ay isa sa mga dahilan kung bakit may paniniwalang hinihikayat umano ng batas ang mga menor de edad na gumawa ng krimen.
Ayon kay Pangilinan, hindi totoo na walang pananagutan ang mga batang lumalabag sa batas.
Aniya, may malinaw na mekanismo ng pananagutan o accountability sa ilalim ng Republic Act No. 9344, at labag sa batas ang basta-bastang pagpapalaya sa mga menor de edad na sangkot sa krimen.
Maaari rin aniyang managot ang mga opisyal na nagpapalaya sa kanila nang hindi dumaraan sa tamang legal na proseso.
Binigyang-diin ito ng senador kasunod ng insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at dalawampu ang nasugatan.
Kasama ni Pangilinan sa isang online discussion si Atty. Tricia Oco, Executive Director ng Juvenile Justice and Welfare Council, na nagsabing hindi solusyon ang pagpapababa ng minimum age of criminal liability at nanawagang labanan ang maling impormasyon, lalo na sa social media.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng JJWA, ang mga batang nagkasala ay sumasailalim sa intervention, diversion, at rehabilitation programs upang maiwasan ang pag-uulit ng krimen at matulungan silang makabalik sa komunidad.
Nakasaad din sa batas ang pananagutan ng mga magulang, tagapag-alaga, at ng komunidad sa paggabay sa mga kabataan.