Senate of the Philippines
Nanawagan si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ng mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata at pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA) kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Zubiri, dapat magsilbing wake-up call ang trahedya upang harapin ang lumalaking impluwensya ng social media sa kabataan, lalo na ang kanilang pagkalantad sa mararahas na content, online hate, at mga mapanganib na trend.
Suportado ng majority leader ang pagtalakay sa posibilidad na ipagbawal o higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang edad 16 pababa.
May nakabinbin aniya sa Senado na panukala, ang Social Media Safety for Children Bill, na naglalayong pagbawalan ang mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang na magkaroon o gumamit ng mga social media account.
Bukod dito, iminungkahi rin ni Zubiri ang pagrepaso sa JJWA upang pag-aralan kung dapat bang litisin bilang mga nasa hustong gulang ang mga menor de edad na 14 taong gulang pataas na sangkot sa mabibigat na krimen gaya ng pagpatay at panggagahasa, habang isinasaalang-alang pa rin ang due process at rehabilitasyon.
Nanawagan din siya ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, kabilang ang masusing inspeksyon sa mga bag at pagtukoy sa mga kakulangan sa seguridad na maaaring nagbigay-daan sa pagpasok ng baril sa loob ng campus.
Iginiit ni Zubiri na dapat agad kumilos ang mga ahensya ng gobyerno upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan at maprotektahan ang mga bata.