Tiniyak ni Senador Ping Lacson na suportado ng majority bloc ng senador ang hakbang ni Senate Finance Committee Chairpman Senador JV Ejercito na alisin sa panukalang 2027 national budget ang mga kuwestiyonable at posibleng pagmulan ng korapsyon na alokasyon.
Giit ni Lacson, walang dapat palampasin sa pagsusuri ng mga senador sa budget at walang dapat bigyan ng special treatment.
Kasabay nito, sinuportahan din niya ang pagsusulong ng transparency sa proseso ng pagbuo ng budget.
Nauna nang nakuha ni Ejercito ang pangako ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aalisin sa House-approved version ng budget ang mga proyektong kulang sa supporting documents, maliban kung maisusumite ng ahensya ang mga kinakailangang dokumento bago ang November 3.
Batay sa pagsusuri ng Senado, umakyat sa 16,244 ang bilang ng mga proyekto ng DPWH sa bersyong ipinadala ng Kamara, mula sa 11,420 sa National Expenditure Program.
Kabilang dito ang 6,271 bagong proyekto na hindi pa dumaan sa paunang pagsusuri ng ehekutibo.
Tiniyak din ni Lacson na saklaw ng pagsusuri ang lahat ng kuwestiyonableng alokasyon, kabilang ang sinasabing pinakamalaking net increase sa pondo para sa public works sa distrito ni Ilocos Norte Representative Sandro Marcos.
Inaasahang magsisimula ang plenary debates sa panukalang budget sa November 23. | ulat ni Nimfa Asuncion