Binigyang katiyakan ni Senate Finance Committee Chairman Senador JV Ejercito na magpapatuloy ang mga hakbang ng Senado para sa transparency at pananagutan sa pagtalakay sa panukalang 2027 national budget.
Kinumpirma ni Ejercito na iimbitahan ang mga civil society organization (CSO) na mag-obserba sa Bicameral Conference Committee deliberations, na isasagawa rin nang naka-live streaming.
Ayon sa senate finance chief, makatutulong ang presensya ng mga CSO para matukoy ang mga proyektong walang sapat na pagsusuri at mga posibleng last-minute insertion sa bicam.
Pinunto ng senador na simula pa lang ay bukas na sa publiko ang proseso dahil naka-livestream ang lahat ng budget hearing ng Senate Finance Committee.
Naglaan din sila ng isang araw ng pagdinig para sa mga CSO noong October 26 para ipahayag ang kanilang mga rekomendasyon sa panukalang budget.
Binanggit rin ni ejercito na naka-integrate sa Senate Budget Transparency Portal ang mga digital tool na binuo ng mga civil society group, kabilang ang BetterGov.ph.
Sa pamamagitan nito, pwedeng suriin ng publiko ang mga dokumento sa budget, magsumite ng position paper at mag-ulat ng mga kuwestiyonableng alokasyon.
Bahagi rin ito ng mga panukalang batas ni Ejercito, kabilang ang Bantay Budget Act at Grassroots Participatory Budgeting Act, na naglalayong palakasin ang partisipasyon ng mga CSO at komunidad sa proseso ng pagbubuo ng budget. | ulat ni Nimfa Asuncion