Tiniyak ng dalawang German ministers ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga raliyistang nanira, nagnakaw, at nanakit sa mahigit 100 pulis sa kasagsagan ng demonstrasyon sa Frankfurt nitong weekend.
Ayon kay Hesse Interior Minister Roman Poseck, aabot sa 17 tindahan ang nasira, kabilang ang limang establisyimentong nilooban ng mga demonstrador.
Naaresto ng pulisya ang nasa 54 indibidwal na may edad 13 hanggang 29 anyos matapos ang pakikipagsagupa sa mga awtoridad gamit ang paghahagis ng mga bato, bote, at petrol bombs.
Pinuri naman ni Federal Interior Minister Alexander Dobrindt ang mga pulis mula sa pagpigil sa malawakang kaguluhan at tiniyak na kikilanin at papanagutin ang mga sangkot sa nasabing insidente.
Nitong weekend, libo-libong demonstrador ang nagmartsa sa ilang siyudad sa Germany para ipanawagan ang mas magandang estado ng edukasyon at pinababang gastos sa pamumuhay sa bansa.