Itinutulak ni Senador Jinggoy Estrada ang pagkakaroon ng Senate inquiry tungkol sa patuloy na pagpatay sa mga environmental defender sa bansa.
Ang pahayag ay kasunod ng muling pagpapangalan sa Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga nagtatanggol sa kalikasan sa ika-13 sunod na taon.
Sa inihaing Senate Resolution No. 697, hiniling ni Estrada na siyasatin ng mga kinauukulang kumite ng Senado ang Global Witness 2026 Report at tukuyin ang mga kinakailangang hakbang sa batas para maprotektahan ang mga environmental defender at mapanagot ang mga nasa likod ng mga pag-atake.
Batay sa ulat, hindi bababa sa 124 na tagapagtanggol ng lupa at kalikasan ang pinatay sa buong mundo noong 2025.
Labindalawa dito ay mula sa Pilipinas, kapantay ng Honduras sa ikatlong pinakamataas na ranggo sa buong mundo, kasunod ng Colombia at Brazil.
Sa 12 biktima sa Pilipinas, anim ang katutubo, tatlo ang maliliit na magsasaka at isa ang mamamahayag.
Ayon kay Estrada, hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga pagpatay sa mga ordinaryong mamamayang ipinaglalaban lang ang kanilang lupa, kabuhayan, at kapaligiran.
Mula 2012 hanggang 2024, nakapagtala ang Global Witness ng kabuuang 306 na pagpatay at pagkawala ng mga environmental defender sa Pilipinas.
Giit ng senador, dapat matukoy sa imbestigasyon ang mga kakulangan sa umiiral na mga batas, mapanagot ang mga salarin at mabigyan ng katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya.