Nakumpleto na ng pamilya ni Alexander Cruz sa Marikina City Prosecutor’s Office ang mga kinakailangang dokumento para sa paghahain ng kaso laban sa anak ng Vice Mayor ng Marikina na si David de Guzman.
Si “Alex” ang motorcycle rider na nabangga ng SUV na minamaneho ni de Guzman noong isang linggo sa panulukan ng Russet street at Ordoñez avenue.
Batay sa social media post ng ina ni Alex na si May Ann, naisumite na nila kaninang umaga ang Certified True Copy ng Death Certificate ng kaniyang anak sa tanggapan ng taga-usig.
Hiniling niya sa mga taga-usig na agad tapusin ang preliminary investigation at maglabas ng kaukulang resolusyon kung may sapat na basehan upang maisampa ang kaso sa korte
Panawagan naman nito sa mga kinauukulan na pabilisin ang proseso, ilabas ang warrant of arrest at huwag hayaang makatakas ang salarin sa pagkamatay ng kaniyang anak.
Iginiit din ng nanay ng biktima na bukod sa nakakaramdam sila ng takot, dapat mapanagot ang responsable sa insidente at maiwasang makatakas sa batas ang sinumang mapatutunayang may pananagutan.
Hiniling din nito ang suporta ng publiko sa pakikiramay sa kanilang pamilya sa panahong ito ng kanilang pagdadalamhati.
Patuloy namang umaasa ang pamilya Cruz na makakamit nila ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.