Photo courtesy of Alahas: Philippine Heritage Jewelry
128 taon na ang nakalipas mula nang makalaya sa pananakop ng mga banyaga ang Pilipinas, na humubog sa kultura ng ating bansa. Mula sa paniniwala, pagkain, at hanggang sa pananamit ay dala-dala ang kulturang ipinamana sa atin.
Pero kahit anong kultura pa man ang idinala ng mga banyaga ay hindi nito naalis ang pagiging malikhain ng mga Pinoy. Mangha nang madatnan ng mga Kastila ang Pilipinas na may maunlad na kultura. Makintab at kumikinang ang mga kasuotan, hindi lamang ang mga lider o datu ng bawat lugar, kundi pati ang mga normal na mamamayan nila dahil sila’y balot ng ginto.

Araw-araw ay suot nila ang kanilang nagkikintabang mga alahas na minsa’y iba’t iba ang kulay ng butil, at iba’t ibang laki ng mga ginto bilang proteksyon at simbolismo ng kanilang pananampalataya sa kani-kanilang mga bathala na hanggang sa huling hininga ay kanilang isinasama.
Ngunit, nang dumating ang mga kastila ay nabawasan ang kanilang pagsusuot ng mga alahas dahil sa paniniwalang nakasasama ito sa kanilang relihiyon na kanilang ipinalalaganap sa panahon na iyon. Dahil din sa pagdating ng mga banyaga ay nadagdagan ang kaalaman ng mga Pilipino pagdating sa kultura na naging pamana sa atin, kasabay ng pagpapamana ng ating mga ninuno sa kahalagahan ng ginto na maaari pa nating dalhin hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Mula sa programang Iskultura, ibinahagi ni Ms. Maria Angelica S. Bermejo, isang Heritage Jewelry Curator, collector at designer, Heritage Preservationist, at ang nagsulat ng librong Alahas: Philippine Heritage Jewelry, ang kasaysayan ng ating kultura sa pamamagitan ng mga alahas.

Ito ang naging inspirasyon kay Ms. Bermejo na gumawa ng iba’t ibang butil o beads na sumasalamin sa ating kultura at paniniwala. Ayon sa kaniya, ang pagsusuot ng alahas ay hindi lamang para sa okasyon, ito ay maaaring maging kasama natin sa buhay, at nagpapaalala sa atin kung saan tayo nagmula.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin bumababa ang presyo ng ginto, bagkus, sa bawat araw na lumilipas ay tumataas din ang presyo nito, kasabay ng pagtaas ng pagpapahalaga ng mga tao rito.