Kasunod ng malagim na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, nanawagan si Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ng agarang pagpasa ng batas na magpoprotekta sa mga kabataan laban sa mapaminsalang online content.
Ayon kay Suarez, upang hindi na maulit ang trahedya, iginiit ng mambabatas ang mabilisang pagpasa ng kaniyang akdang panukala, ang House Bill No. 9825 o ang Digital Safety of Minors Act.
Layunin ng batas na maglatag ng age-appropriate mechanisms, obligahin ang pagkakaroon ng parental consent (pahintulot ng magulang), privacy safeguards, ipatupad ang default safety settings, at ipagbawal ang mga targeted advertising sa mga menor de edad nang walang pahintulot.
Hinimok din ng Deputy Speaker ang mga kasamahan sa Kamara na i-fast track o bilisan ang deliberasyon sa naturang bill, kasabay ng panawagan sa mga ahensya ng gobyerno na higpitan ang seguridad sa mga paaralan at alalayan ang mga na-traumang pamilya sa Tacloban.
Ipinunto ni Suarez na ayon sa datos ng UNICEF at World Health Organization (WHO), mahigit isang katlo (1/3) ng kabataan ang nakararanas ng cyberbullying, at ang labis na paggamit ng social media ay may direktang ugnayan sa depresyon, anxiety, at exposure sa mga mapanganib na content.
Dahil dito, mahigit 40 bansa na sa buong mundo ang nagpapatupad ng mahigpit na regulasyon — gaya ng under-16 social media ban sa Australia at Online Safety Act sa United Kingdom.